5 miyembro ng ‘Sibuyas Gang’, tinukoy sa P5 -M robbery

Tinukoy  ng Quezon City Police District (QCPD) ang tinaguriang “Sibuyas Gang”  na siyang nanloob at tuma­ngay ng mahigit P5 mil­yong cash sa pabrika ng Zest-O Corporation sa Novaliches kamakailan.

Lima sa higit 20 arma­dong suspek ang kilala na ng pulisya ngunit naki­usap ang mga awtoridad na huwag munang pa­nga­lanan upang hindi mabu­lilyaso ang isina­gawa nilang follow-up operation  laban sa mga ito.

Sinabi ni QCPD-Cri­minal Investigation and Detection Unit na pawang mga taga-Abuyos, Nor­thern­ Samar ang mga miyembro ng “Sibuyas Gang” na dati umanong lumilinya sa pagkidnap ng mga Indian national ngu­nit nag-iba na ngayon ng modus.

Isinasalang naman ngayon sa imbestigasyon ang safety officer at dala­wang kahero ng kom­panya dahil sa kaduda-duda umanong ikinikilos ng mga ito bago maga­nap ang pagsalakay ng mga holdaper. Nakatak­dang isailalim sa lie detector test  ang tatlo.

Base sa close circuit camera TV ng pabrika, na­kita ang safety officer ng kompanya na pren­teng naglalakad habang nagaganap ang panlo­loob.  Isinasailalim naman sa imbestigasyon ang mga kahero dahil sa pag-iwan sa safety vault na nakabukas.

Tahasang itinanggi rin naman ngayon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Under­secretary Director General Dionisio Santiago Jr. na mga tauhan ng ahen­sya ang mga suspek matapos na makita ang CCTV footage at ang larawan ng limang nakila­lang suspek sa photo rouge gallery  ng QCPD.

Sinabi nito na hindi sila nag-iisyu ng jacket ng PDEA at mahigpit ang kanilang pagbabantay dito upang hindi magamit ng mga masasamang loob.  Iba rin umano ang opis­yal na jacket ng ahen­sya kumpara sa gamit ng isa sa mga suspek na pu­masok sa Zest-O.

Matatandaan na nilo­oban ang Zest-O nitong nakaraang Lunes kung saan nagpakilala na mga ahente ng PDEA at isang anti-drug operation ang kanilang isinasa­gawa.  Dito natangay ang P5.4 milyong halaga ng salapi ng naturang kum­panya. (Danilo Garcia)

Show comments