5 miyembro ng ‘Sibuyas Gang’, tinukoy sa P5 -M robbery
Tinukoy ng Quezon City Police District (QCPD) ang tinaguriang “Sibuyas Gang” na siyang nanloob at tumangay ng mahigit P5 milyong cash sa pabrika ng Zest-O Corporation sa Novaliches kamakailan.
Lima sa higit 20 armadong suspek ang kilala na ng pulisya ngunit nakiusap ang mga awtoridad na huwag munang pangalanan upang hindi mabulilyaso ang isinagawa nilang follow-up operation laban sa mga ito.
Sinabi ni QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit na pawang mga taga-Abuyos, Northern Samar ang mga miyembro ng “Sibuyas Gang” na dati umanong lumilinya sa pagkidnap ng mga Indian national ngunit nag-iba na ngayon ng modus.
Isinasalang naman ngayon sa imbestigasyon ang safety officer at dalawang kahero ng kompanya dahil sa kaduda-duda umanong ikinikilos ng mga ito bago maganap ang pagsalakay ng mga holdaper. Nakatakdang isailalim sa lie detector test ang tatlo.
Base sa close circuit camera TV ng pabrika, nakita ang safety officer ng kompanya na prenteng naglalakad habang nagaganap ang panloloob. Isinasailalim naman sa imbestigasyon ang mga kahero dahil sa pag-iwan sa safety vault na nakabukas.
Tahasang itinanggi rin naman ngayon ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Undersecretary Director General Dionisio Santiago Jr. na mga tauhan ng ahensya ang mga suspek matapos na makita ang CCTV footage at ang larawan ng limang nakilalang suspek sa photo rouge gallery ng QCPD.
Sinabi nito na hindi sila nag-iisyu ng jacket ng PDEA at mahigpit ang kanilang pagbabantay dito upang hindi magamit ng mga masasamang loob. Iba rin umano ang opisyal na jacket ng ahensya kumpara sa gamit ng isa sa mga suspek na pumasok sa Zest-O.
Matatandaan na nilooban ang Zest-O nitong nakaraang Lunes kung saan nagpakilala na mga ahente ng PDEA at isang anti-drug operation ang kanilang isinasagawa. Dito natangay ang P5.4 milyong halaga ng salapi ng naturang kumpanya. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending