Babala sa mga driver na mahilig tumanggi sa pasahero. Buhay ang naging katumbas ng pagiging ‘mapili’ ng isang driver ng tricycle makaraang barilin ito ng nagalit na pasahero na tinanggihan nitong isakay, kahapon ng madaling- araw sa Quezon City.
Agad na nasawi matapos na magtamo ng isang tama ng bala sa baba ang biktimang si Ryan Canasa, 27 at residente ng #203 Iriga St., Brgy. Paang Bundok, sa naturang lungsod.
Patuloy namang kinikilala ang tumakas na suspek na inilarawang nasa pagitan ng edad 27-30, payat, may taas na 5’4’’, nakasuot ng gray t-shirt, pantalong maong at naka-tsinelas na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.
Base sa insiyal na pagsisiyasat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), pasado alas-12 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa may kanto ng P. Florentino St. at Mayon St. sa Brgy. Sta. Teresita.
Nabatid na namamasada ng kanyang tricycle (UM-1124) ang biktima kasama ang kanyang misis na si Rowena Canasa nang parahin sila ng suspek at nagpapahatid sa may España, Manila.
Dahil sa masyadong malayo, tumanggi ang biktima na isakay at ihatid ang suspek sa nasabing lugar sanhi upang magalit ang suspek. Bumunot ito ng baril at pinaputukan si Canasa. (Danilo Garcia)