Pisak ang katawan ng isang doktora nang masagasaan ng pampasaherong bus sa Quezon City, kahapon ng umaga.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Dra. Lilia Calsado, resident doctor ng Quirino Memorial Medical Center. Arestado naman ang driver ng Mega Bus makalipas ang maikling habulan, na nakilalang si Narjito Aurellano, 35.
Batay sa ulat ng Quezon City Police Traffic Sector-3, dakong alas-11:25 ng umaga nang maganap ang aksidente sa panulukan ng 20th Avenue at P. Tuazon St., Project 4. Sa pagsisiyasat, nabatid na tumatawid ang biktima sa tapat ng QMMC nang mabundol ng naturang bus. Tuluyang hindi na nakaligtas pa ang biktima nang magulungan ito ng bus sanhi ng kalunus-lunos na kamatayan ng biktima. Nakadetine ngayon sa Quezon City Traffic detention cell ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide. (Danilo Garcia)