Upang mas mapalaganap ang distribusyon ng bigas sa mamamayan, gagamitin na rin ang mga istasyon ng Light Railway Transit (LRT) para maging outlet o tindahan ng murang bigas mula sa National Food Authority (NFA).
Sa panayam kay Jinky Jiorgio, tagapagsalita ng Light Railway Transit Authority (LRTA), makikipagpulong muna sila sa pamunuan ng NFA upang mailagay sa ayos ang distribusyon at pagbebenta ng bigas sa ilan nilang mga train station nang hindi makakaabala sa pagdagsa ng mga commuters na tumatangkilik sa LRT.
Ipagagamit umano ng LRTA para sa pagbebenta ng murang bigas ang Baclaran Station, Quirino at Central Station sa LRT line 1, Santolan at Legarda stations sa LRT line 2.
Nabatid pa kay Jiorgio na bagama’t sang-ayon si LRTA Administrator Mel Robles sa hiling ng NFA, kailangan munang balangkasing maigi ang pagsisimula nito dahil kailangan aniya nilang masiguro na may sapat na seguridad ang mga commuters at hindi ito makakaapekto sa kanilang pang-araw-araw na operasyon.
Binigyang-linaw naman ni Jiorgio na hindi naman sa itaas kundi sa ibaba ng mga train stations isasagawa ang pagbebenta ng murang bigas kaya’t posibleng hindi mabibigyan ng seguridad ng kanilang mga security personnel ang mga taong dadagsa na bibili ng bigas.
Sinabi pa ni Jiorgio na katuwang naman ng NFA sa distribusyon at pagbebenta ng bigas ang mga sundalo at PNP kung kaya’t puwede ring ang mga ito na ang magbigay ng seguridad sa mga train stations na gagamitin ng ahensiya.
Bukod dito, itatakda rin kung anong oras dapat simulan ang pagbebenta ng bigas na kailangang itapat sa oras na hindi masyadong marami ang mga commuters na sasakay sa train.
Nais umano ng NFA na magamit ang ilang mga train stations ng LRT sa pagbebenta ng murang bigas upang maiwasan na ang mahabang pila sa ilang NFA rice distribution center. (Rose Tamayo-Tesoro at Angie dela Cruz)