Dalaga nilapnos ng selosang misis

Nalapnos ang halos buong katawan ng 30-anyos na dalaga matapos itong banlian ng kumu­­kulong tubig ng isang selosang misis nang manibugho sa pagiging malapit ng kan­yang mister sa una, sa Pasay City.

Kamakalawa lamang ng hapon nakapag­hain ng reklamo sa Women and Children’s Pro­tection Center (WCPC) ng Pasay City Police ang biktimang si Maria Lourdes Gayatgay, ng P-19-03 7th-13th St., Villamor Air­base laban sa sus­pect na si Rema “Ethel” Jar­dinico bunga ng ma­tagal na pagkakaratay sa paga­mu­tan sanhi ng tinamong grabeng pinsala sa buong katawan nito.

Sa kanyang pahayag sa pulisya, nangyari ang insidente ng pagsaboy ng pinakulong  tubig noong Marso 26, dakong alas-11:30 ng gabi sa inuupahang bahay ng suspect sa #118 Tramo St., Pasay City.

Ayon sa biktima, pinapunta siya ng kan­ yang kapatid na ka-boardmate ng suspect sa board­ing house upang pag-usapan ang ma­tinding hinala ng ginang na may relasyon sila ng mister nito.

Sinabi ni Gayatgay na malinis ang kan­yang konsensiya kung kaya’t wala siyang takot na nagtungo sa inuupahang bahay ng ginang para na rin ipaliwanag ang kanyang panig ka­ugnay sa paninibugho ng huli.

Gayunman, hindi pa man siya nakakapag­salita at kakaupo pa lamang umano nito sa silya ay agad na siyang binuhusan ng kumukulong tubig ni Jardinico, sinabunutan at pinagbabato pa ng gamit sa kusina.

Kasong serious physical injuries ang isi­nampa sa pulisya laban kay Jardinico bunga na rin ng inilabas na medical certificate ng mga doktor na gumamot sa biktima likha ng second degree burn na tinamo nito sa buong katawan. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments