Evat pinabubuwag ni Mayor Lim, Manila solons
Dahil na rin sa patuloy na krisis sa bigas na dinaranas ng bansa, nagkaisa sina Manila Mayor Alfredo Lim at limang kongresista ng lungsod na alisin na lamang ang Expanded Value Added Tax (EVAT) sa mga pangunahing pangangailangan ng publiko kabilang na ang bigas at gamot.
Sa pagpupulong na ginanap kahapon, sinabi ni Lim na ito ang tamang panahon upang mas maging epektibong matulungan ang mga mahihirap na pamilya sa lungsod na halos araw-araw ay pumipila upang makabili lamang ng murang bigas na NFA.
Kabilang sa mga kongresista na sumusuporta sa hakbangin ni Lim ay sina 1st District Congressman Benjamin Asilo; 2nd District Congressman Jim Lopez; 3rd district Congresswoman Naida Angping; 4th district Congresswoman Trisha Bonoan-David at 6th District Congressman Benny Abante. Hindi naman dumating si 5th district Congressman Amado Bagatsing.
Ayon kay Lim, sumulat na siya sa House of Representatives at sa Senado upang hilingin sa mga ito na magpalabas ng amyenda na alisan na ng 12 porsyentong EVAT sa mga basic commodities tulad ng pagkain at gamot.
Sinabi ni Lim na mas malaki pang tipid ang pag-aalis ng 12 porsyentong buwis sa pagkain at gamot kumpara sa pagbebenta ng NFA rice sa halagang P18.25. Dahil dito, sinabi ni Lim na nananawagan siya sa mga senador at mambabatas maging kay Pangulong Arroyo na alisin na ang EVAT ngayon dahil ito ang tamang oras upang mas matugunan ang pangangailangan ng mga mahihirap na mamamayan hindi lamang sa Maynila kundi maging sa ibang lungsod.
Iginiit pa ni Lim na madaling maipatutupad ang pagtatanggal ng 12 porsyentong EVAT kung magpapalabas ng presidential certification si Pangulong Arroyo.
- Latest
- Trending