Pabrika ng softdrinks nilooban ng ‘PDEA agents’
Umaabot sa P5.4 milyong halaga ng salapi ang natangay ng nasa 20 armadong lalaki sa pabrika ng softdrink at juice na mabilis na nakapasok matapos na magpanggap na mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kahapon ng umaga sa Novaliches,
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District, naganap ang panloloob sa pabrika ng Zest-O Corporation sa Sitio Gitna, Brgy. Nagkaisang Nayon, Novaliches dakong alas-2:30 ng umaga.
Nasa 20 armadong lalaki sakay ng isang Mercedes Benz, Tamaraw FX at Mitsubishi Adventure SUV ang dumating sa lugar, nagpakilalang mga tauhan ng PDEA at sinabing isang drug raid ang isasagawa dahil sa impormasyon na ginagamit ang pabrika na drug laboratory. Agad na dinisarmahan ng mga suspek ang mga guwardiya ng pabrika.
Diretsong pumasok naman ang ilan sa loob ng pabrika habang naiwan ang ilan para magsilbing “look-out”. Pinagsama-sama naman ng mga suspek ang mga naabutang empleyado ng pabrika sa isang lugar ng gusali bago tinangay ang dalawang kaha-de-yero na naglalaman ng apat na araw na koleksyon ng kompanya bago tumakas sakay ng dala nilang mga sasakyan.
Bigo na naman ang mga tauhan ng QCPD-Station 4 (Novaliches) na mabilis na makaresponde sa naturang lugar at maharangan ang mga lugar na daraanan ng mga ito.
Kasalukuyan namang pinag-aaralan ng QCPD at ng PDEA ang CCTV camera (closed circuit television) na nasa loob ng pabrika upang makilala ang mga suspek.
Sinabi naman ni PDEA Undersecretary Director General Dionisio Santiago Jr. na maaaring nagsawa na ang mga sindikato sa paggamit sa PNP sa kanilang mga panloloob kaya ang kanilang ahensya ang napili. Isa umano sa mga suspek ang nakasuot ng itim na PDEA jacket na sinasabing peke dahil sa dilaw ang lettering nito. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending