Wala pang katiyakan kung ipatutupad ang pagtaas sa singil sa pasahe na inihihirit ng transport groups sa Land Transpor tation Franchising Regulatory Board (LTFRB) bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis at iba pang produktong petrolyo.
Ayon kay LTFRB Chairman Thompson Lantion, hindi pa nakakapagdesisyon ang kaniyang tanggapan kung pagbibigyan ang transport sectors dahil kailangan pang dumaan sa masusing ebalwasyon kung ipatutupad ang hinihinging P1.50 fare increase sa mga jeepney na umaalma sa mataas na presyo ng gasolina atbp.
Sa kasalukuyan ay tanging pagdinig pa lamang sa inihahaing petisyon sa fare hike ang kanilang maipapangako.
Una rito, nagsialma ang transport partikular na ang mga driver dahilan wala na halos umano silang kinikita na napupunta lamang sa boundary sa mga ipinapasada nilang sasakyan dahilan sa sobrang mahal ng presyo ng krudo.
Ayon naman sa PISTON (Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Opereytor Nationwide), hindi ang fare hike ang solusyon sa problema kundi ang pagtanggal sa oil deregulation law at value added tax sa mga produktong petrolyo upang matigil ang serye ng oil price hike. (Joy Cantos)