Kaagad na binawian ng buhay ang isang 36-anyos na misis, habang malubhang nasugatan ang anak nitong batang babae nang aksidenteng makaladkad ng rumaragasang truck kahapon ng tanghali sa lungsod Caloocan.
Kinilala ni Sr. Insp. Abner Yambao Castro, hepe ng Caloocan City Traffic Enforcement Unit, ang nasawing biktima dahil sa grabeng pinsala sa kanyang katawan na si Rowena Gener-Delosa, ng 413 Libis Gochuico ng nasabing lungsod.
Kasalukuyan namang inoobserbahan sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center (PDMMC) ang anak nitong si Johnelle Dolosa, 9, nabagok ang ulo nito at nagtamo ng malulubhang pasa at sugat sa katawan.
Kusa namang sumuko at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide at serious physical injuries ang driver na si Johnny Avenido, 44, ng Salmon St., Kaunlaran Village, Caloocan City.
Ayon sa pulisya, pasado alas-12 ng tanghali nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Dagat-Dagatan Avenue malapit sa Tawilis Street, Brgy. 25 ng nasabing lungsod.
Nabatid, na kasalukuyang naglalakad ang mag-ina sa naturang lugar nang aksidenteng mahagip at kaladkarin ang mga ito ng truck na may plakang UTD-803, ni Avenido.
Tumilapon ang mag-ina kung saan una ang ulo na bumagsak sa kalsada si Rowena. Hindi halos ito makilala dahil sa pagkadurog ng mukha.
Mabilis namang isinugod ng ilang residente ang anak ng nasawi sa nabanggit na ospital, kung saan nasa maselang kalagayan ito. (Lordeth Bonilla)