Ex-QC police nagbaril sa sarili
Hinihinalang matinding depresiyon matapos na iwan ng asawa’t anak ang dahilan ng pagpapakamatay ng isang dating kagawad ng Quezon City Police District (QCPD), kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Maynila.
Nadiskubreng duguan at wala nang buhay ang biktimang si Manuel Villanueva, 43, residente ng #511 Panday Pira St., Tondo dakong alas-12:30 ng madaling-araw sa loob ng bahay nito.
Batay sa ulat ni Det. Ed Ko ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, bago ang insidente, nakipag-inuman pa ang biktima sa pamangking si Arnel Ranares at kaibigan na si Salvador Ridonio, bandang alas-10 ng gabi, kamakalawa.
Habang nag-iinuman umano ay ipinakita pa ng biktima ang kanyang kalibre .38 baril mula sa drawer at napagkwentuhan ang dating serbisyo sa pulisya.
Nang lumabas si Ranares para magpa-load ay naiwan umano sa bahay niya ang biktima at si Ridonio at dakong alas-12 ay doon narinig ng una ang isang putok ng baril. Mabilis umano siyang bumalik at ibinalita sa kanya ni Ridonio na sugatan ang biktima at hawak na nakatutok pa ang baril sa sariling kaliwang kamay nang datnan ni Ranares.
Sa impormasyong nakalap ng imbestigador, nasibak sa serbisyo bilang pulis ang biktima noong 1992 nang matalo sa asunto sa reklamo ng nobyang nabuntis nito.
Dahil dito, napilitang pumasok bilang drayber umano ang biktima at makalipas ang ilang taon ay nag-asawa ito sa isang “Joan” at nagka-anak.
Noong Pebrero lamang ng taong kasalukuyan ay naghiwalay ang mag-asawa at umalis sa kanilang bahay ang misis kasama ang dalawang taon gulang nilang anak.
Bagamat kumbinsido ang mga kaanak ng biktima na matinding pagdaramdam ang naranasan nang iwan ng pamilya kaya ito nag-iinom ng alak, pinag-aaralan pa rin ng pulisya kung may foul play sa kaso.
- Latest
- Trending