Acetylene gang sumalakay
Pinasok ng tatlong pinaniniwalaang miyem bro ng “acetylene gang” ang bahay ng isang mayamang pamilya matapos na magpanggap ang mga itong mga kagawad ng National Bureau of Investigaion (NBI) kamakalawa sa San Juan.
Ayon kay Eastern Police District (EPD) director Chief Supt. Leon Nilo Dela Cruz, dakong alas-3 ng hapon ng pasukin ng mga hindi pa kilalang mga suspek na armado ng ibat-ibang uri ng baril ang bahay na matatagpuan sa 155 P.Zamora kanto ng Araullo St. ng nasabing lungsod.
Dagdag pa ni Dela Cruz na bagamat hindi nagtagumpay ang mga suspek ay nagawa nitong makapasok sa nasabing bahay na hindi na nito ibinunyag ang pangalan ng may-ari at tinalian na ang mga security guard, katulong at iba pang tauhan ng bahay matapos na payagan silang papasukin ng magpakilalang mga ahente ng NBI.
Nagawa pa umanong makipagbarilan ng mga guwardya sa mga suspek bago sila matalian ng mga ito.
Wala namang nakuha ang mga suspek dahil nataong wala ang may-ari ng nasabing bahay at sa pangamba din ng mga ito na nakahingi na ng responde ang mga tao dito kaya mabilis ding umalis sakay ng kanilang kotse.
Inabandona ng mga suspek ang kanilang sasakyan sa kahabaan ng Shaw Blvd kanto ng Luna Mencias St. at nakuha ng mga awtoridad sa loob nito ang dalawang tangke ng oxygen at isang tangke ng acetylene. Naiwan din ng mga suspek ang mga ginamit na NBI jacket ng mga ito sa loob ng bahay na kanilang pinasok.
Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang puilsya para sa agarang pagkilala sa mga suspek at pagdakip sa mga ito. (Edwin Balasa)
- Latest
- Trending