5 Magdalo lalaya na!
Limang miyembro ng Magdalo Group na nahaharap din sa kasong kudeta kaugnay sa naganap na Hulyo 2003 Oakwood mutiny ang inaasahang makalalaya na matapos direktang iutos kahapon ni Makati City Regional Trial Court Branch 148 Judge Oscar Pimentel sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang agarang pagpapalaya sa mga ito matapos na makapagpiyansa.
Kabilang sa iniutos palayain ay si 1st Lieutenant Lawrence San Juan na kabilang sa 31 miyembro Magdalo Group na nahaharap sa kasong kudeta.
Maliban kay San Juan inaasahang makalalaya din ang apat pang kasamahan nito na sina 1st Lts. Warren Lee Dagupon, Von Rio Tayab, Audie Tocloy at Rex Bolo sa oras na mailagak ang kanilang piyansa matapos payagan din kahapon ng korte na magpiyansa ang mga ito sa kanilang kinakaharap na kaso.
Batay sa isang pahinang desisyon ni Judge Pimentel, inatasan nito ang Philippine Army na siyang may kustodiya kay San Juan na agad itong palayain mula sa kanyang pagkakadetine.
“The Commanding Officer, 15th Intelligence Security Group, Philippine Army, Fort Bonifacio, Makati city is hereby ordered and directed to release from detention and his custody the person of the accused 1st Lt. Lawrence San Juan 0-12436 (Infantry), said accused having filed the required personal bail bond in the amount of P100, 000 issued by First Integrated Bonding and Insurance Corporation dated April 3, 2008 with the corresponding clearance stamped by the Office of the Clerk of Court for his provisional liberty accordingly, the provisional liberty of the accused is hereby granted unless said accused should be detained for some other lawful cause,” nakasaad sa nasabing court order na inisyu ni Pimentel.
Sa panayam naman kay Assistant Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullon, sa kasalukuyan ay inihahanda na ang mga kaukulang release papers ni
Nabatid na pinaboran ni Judge Pimentel si San Juan at iba pang kapwa akusado nito matapos magsampa ng motion for bail noong July 2004 sa batayang nagsilbing “participants” lamang o tagasunod umano ang mga Magdalo members sa mga lider ng kanilang grupo.
May kahalintulad na mosyon din ang isinampa ng mga lider ng Magdalo sa pangunguna ni Sen. Antonio Trillanes IV, subalit ibinasura ito ng korte sa basehang matibay umano ang ebidensiya laban sa senador at ilang lider ng kasamahan nito na isinampa ng Department of Justice (DOJ) kaugnay ng naganap na Oakwood mutiny.
Napag-alaman pa ng PSNGAYON na matagal nang naaprubahan ng korte ang paglalagak ng piyansa ni San Juan at iba pang Magdalo members subalit hindi naman umano ito agad na nakalaya dahil tumanggi ang militar na palayain ang mga ito sa basehang mayroon pang kinakaharap na court martial proceedings ang mga ito sa paglabag naman nila sa Articles of War 97. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending