Jueteng den ni-raid: 62 arestado
Umaabot sa 62 kubrador at mga kabo ang dinampot ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) matapos na salakayin ang isang bahay na sinasabing bolahan ng iligal na sugal na jueteng sa naturang lungsod.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni QCPD Director Sr. Supt. Magtanggol Gatdula ang manhunt operation laban sa isang George Bueno na siya umanong may-ari ng bahay na ginagamit na bolahan na matatagpuan sa #99 Jericho street, Fil-Heights Subdivision, Brgy. Bagong Silangan, ng naturang lungsod.
Ayon kay Supt. Constante Agpaoa, hepe ng Station 6, nakatangap umano sila ng impormasyon kung saan isinasagawa ang pagbola ng jueteng sa naturang bahay kaya inilunsad ang pagsalakay dakong alas-12:10 ng hatinggabi.
Naabutan ng mga awtoridad ang dinampot na katao habang binobola ang numero sa jueteng. Nakumpiska sa mga ito ang iba’t- ibang jueteng paraphernalia, isang Ford Expedition, Ford Ranger, isang pampasaherong jeep na gamit ng mga kolektor at libu-libong halaga ng mga barya at bills na pera na nakuha sa koleksyon sa pataya.
Ikinatwiran naman ng mga nadakip na kolektor at kabo na sobrang kahirapan ang nagtulak sa kanila para sa naturang trabaho kahit alam nilang iligal. Sinabi naman ni Gatdula na nahaharap ang mga nadakip sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1602 kabilang na ang may-ari ng bahay na si Bueno.
Nabatid rin na si Bueno ang may-ari ng ilang beerhouse na sinalakay rin ng QCPD dahil naman sa pagpapalabas ng malaswa ng mga babae sa entablado. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending