3-anyos patay sa open manhole

Hindi na naipagdiwang ng isang 3-anyos na batang babae ang kanyang kaarawan makaraang mahulog at malunod sa isang open manhole kamakalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.

Wala nang buhay nang maiahon sa imburnal ang paslit na si Sandra Lagrama, ng 2216 Oroquieta St., Sta. Cruz, Maynila.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homi­cide Section, dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente sa harapan ng isang tindahan sa 2240 Legarda St., Sampaloc, Maynila.

Nabatid na hinihintay ng bata ang kanyang ama na si Simplicio Lagrama, isang sapatero, para sa ka­nilang pag-uwi. Inililigpit na ng ama ang kanyang mga gamit at hindi napansin ang anak. Nang matapos ito ay hinanap ang bata hanggang sa makita ang isang piraso ng kanyang tsinelas sa tabi ng isang walang takip na manhole at doon nakita  sa ilalim ng manhole ang anak. Sinikap na kunin ang paslit at tumagal pa umano ng 30 minuto bago tuluyang nailabas.

Batay sa report, ang bata ay naghihintay sa pag-uwi nila ng ama dahil sa pangako na pakakainin ng ma­sarap dahil kaarawan nito subalit hindi na naganap ang  blow out dahil sa insidente.

May posibilidad din na paimbestigahan ang isang maliit na construction firm na naghukay umano at hindi lubos na nasarhan ang paligid ng hinukay o kulang sa safety measures kaya nakalusot ang naglalarong bata dahilan kaya ito nahulog. (Ludy Bermudo)

Show comments