Patay ang isang mag-ama matapos makulong sa naglalagablab na apoy, habang tatlo pa ang sugatan sa dalawang magkahiwalay na sunog na naganap kahapon ng umaga sa Pasay at Parañaque City.
Magkayakap pa nang matagpuan ng mga tauhan ng Pasay City Bureau of Fire Protection ang mag-amang biktima na sina Rufo, 38; at Rodelyn Upos, 9, sa tinitirahan nilang apartment na matatagpuan sa #202 Orion St., Libertad, Pasay City.
Batay sa pagsisiyasat ni Arson investigator SFO3 Renato Recto, nagsimula ang sunog dakong alas-4:55 ng madaling-araw sa apartment na tinutuluyan ng mag-ama na hinihinalang nagsimula dahil sa sala-salabat na koneksiyon ng kuryente.
Ilang mga nasunugan ding residente ang nagpahayag na narinig pa nila ang paghingi ng tulong ng mag-ama matapos ma kulong sa nasusunog na apartment subalit wala nang magawa ang mga kapitbahay dahil lubha ng malaki ang apoy.
Dakong alas-6:35 na ng umaga nang matagpuan ng mga bumbero ang bangkay ng mag-ama matapos na tuluyang maapula ang apoy na tumupok sa tinatayang P2-milyong halaga ng mga ari-arian.
Samantala, sa hiwalay na insidente, sugatan naman at isinugod sa pagamutan ang apat na katao sa malaking sunog na tumupok sa may 100 kabahayan dakong alas-6:45 ng umaga sa Cruz Compound, Brgy. San Isidro, Parañaque City na hinihinalang sanhi ng naiwanang nakasinding kandila.
Kinilala ang mga sugatan na sina Josel dela Rosa; Ricardo Ramos; Gabriela Resultay at Jenny Buco na pawang nasa ligtas nang kalagayan.
Hinahanap naman ng mga awtoridad ang may-ari ng bahay na pinagmulan ng sunog na nakilalang si Vanny Sagala, 25, na bigla na lamang naglaho matapos maapula ang apoy dakong alas-9:10 ng umaga.
Aabot naman sa mahigit P5 milyong halaga ng ari-arian ang naabo sa naturang sunog na nakaapekto sa may 200 pamilya.