Tarpaulin ni BF babaklasin
Babaklasin umano ang lahat ng mga dambuhalang larawan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Bayani F. Fernando na nakalagay sa lansangan na sakop ng Makati City.
Sinabi ni Makati City Mayor Jejomar Binay, tinawagan na niya ng pansin ang naturang ahensiya at pinakiusapan na baklasin na ang mga naglalakihang larawan ni Fernando dahil una na umanong sinabi ng MMDA na bawal ang maglagay ng mga tarpaulin at katunayan ay pinagbabaklas noon ng MMDA ang mga nakakabit na tarpaulin sa Edsa.
Ayon pa sa alkalde, pababayaan muna nilang ang MMDA mismo ang magtanggal ng mga poster ni Fernando na nakalagay sa lansangan na sakop ng Makati, subalit kapag hindi binigyang-pansin ng ahensiya ang kanilang panawagan, mapipilitan siya na ipabaklas ito sa kanyang mga tauhan.
Iginiit pa ni Binay na hindi na siya nagtataka ngayon kung bakit gigil na gigil si Fernando na baklasin ang mga poster, tarpaulin at iba pang malalaking advertisement sa kahabaan ng EDSA dahil layunin pala ng butihing chairman na larawan lamang niya ang ibandera rito.
Naniniwala din ang alkalde na dapat ipaliwanag ni Fernando kung saan nanggaling ang pondong ginamit sa pagpapa-imprenta ng naglalakihang poster ni Fernando na ngayon ay nagkalat sa Metro Manila.
Sa panig naman ng MMDA, sinabi ni Gen. Manager Robert Nacianceno na handa silang humarap sa anumang uri ng imbestigasyon kaugnay sa pondong pinanggalingan dahil malinaw naman na bahagi ito ng isi nusulong na programang Metro Guwapo ng kanilang ahensiya.
Dagdag pa ni Nacianceno na walang halong pulitika ang paglalagay sa larawan ni Fernando sa naturang anunsiyo dahil siya naman ang talagang pasimuno ng magagandang proyekto at kaayusan sa Metropolis na hanggang ngayon ay patuloy na isinasagawa ng kanilang ahensiya. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending















