Militar pinakilos sa distribusyon ng bigas
Dalawampung military trucks ang minobilisa kahapon ng AFP-National Capital Region Command (AFP-NCRCOM) upang tumulong sa distribusyon ng bigas ng National Food Authority (NFA) sa mahihirap na lugar sa Metro Manila.
Ayon kay AFP- NCRCOM Chief Major Gen. Fernando Mesa, minobilisa niya ang mga military trucks kasama ang ilang mga military personnel upang mapabilis ang distribusyon ng bigas ng NFA. Ang hakbang ay sa gitna na rin ng krisis sa bigas matapos na tumaas na ang presyo ng commercial na bigas sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Sinabi ni Mesa na nakipagkoordinasyon na sila sa tanggapan ng NFA alinsunod sa direktiba ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pagtupad sa nasabing misyon.
Maliban dito magtatalaga rin sila ng mga security personnel para magbigay proteksyon sa pagbibiyahe ng mga bigas at pamamahagi nito sa mga mahihirap na lugar sa National Capital Region.
Kabilang naman sa mga lugar na pinagdadalhan sa distribusyon ng bigas ng NFA ay ang Gagalangin, Capulong at Smokey Mountain; pawang sa Tondo, Maynila at Barangays Payatas, Commonwealth at Vasra sa Quezon City. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending














