Naaresto ng mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Metro Manila Office ang isang pinaghihinalaang drug trafficker na Chinese kasabay ng pagkakasamsam sa P1.2-M halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa lungsod ng Maynila.
Sa report na tinanggap ni PDEA Executive Director General Undersectary Dionisio Santiago, nakilala ang nasakoteng suspect na si Tony Pong Ang, 25.
Si Ang ay nahuli ng PDEA operatives sa buy- bust operations sa Tambacan St., Sta. Cruz, Maynila dakong alas-3:40 ng hapon kamakalawa.
Bago ito ay nakatanggap ng intelligence report ang mga awtoridad hinggil sa talamak umanong pagbebenta ng illegal na droga ni Ang kaya’t isinailalim nila ito sa masusing surveillance operation.
Matapos na makumpirma ang report ay agad nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba na nagresulta sa pagkakadakip sa suspect. Hindi na nakapalag si Ang matapos na posasan ng mga tauhan ng PDEA Metro Manila Office sa aktong iniaabot ang illegal na droga sa poseur buyer ng mga awtoridad.
Nasamsam kay Ang, ang mahigit kumulang na 200 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.2 milyon. (Joy Cantos)