Caloocan massacre: Mag-iina patay

Isang mag-iina na binu­buo ng tatlo katao ang panibagong biktima ng karumal-dumal na krimen makaraang iga­pos, busa­lan sa bibig at saka tinad­tad ng saksak sa kanilang mga katawan ng hindi pa nakikilalang mga suspect na nanloob sa kanilang bahay sa Caloocan City.

Kinilala ni Supt. William S. Macavinta, hepe ng Caloocan City Police, ang minasaker na na mag-iina na sina Ma­rife Ordonio, 36, ang da­lawang anak nitong sina Mark John, 12; at Jovrie Ivan, 4,  ng Block 11, Lot 13, Phase 2, Nati­vidad Subdivision, Brgy. 168, Deparo ng nabang­git na lungsod.

Patuloy naman ang isi­nasagawang ope­ras­­yon laban sa mga sus­pect.

Sa naantalang ulat, tinatayang naganap ang krimen sa pagitan ng alas-11 ng gabi noong Marso 30 hanggang Marso 31 ng umaga.

Nauna rito, sinabi ni Ramon Rodney Isaac, kapatid ng biktimang si Marife, bago niya nadis­kubre ang bangkay ng kanyang kapatid at da­lawang pamangkin ay tawag siya ng tawag sa talepono subalit wala ni isang sumasagot sa kanya kaya’t kaagad siyang nagtungo sa bahay nito.

Nagulantang ang la­laki sa kanyang nakita, dahil duguan at wala nang buhay ang mag-iina dahil sa tinamong mga saksak ng mga ito.

Mistulang baboy na ginapos ng cord ng charger ang mag-iina at binusalan ang mga bibig nito upang hindi maka­sigaw at hindi marinig ng mga kapitbahay ang ka­rumal-dumal na pagpas­lang sa mga ito.

Si Marife ay nakita sa loob ng kanyang silid tu­lugan na halos lumolobo ang buong katawan at ang magkapatid naman ay natagpuan sa kanilang silid kung saan ang naka­babatang si Jovrie Ivan ay luwa ang bituka sanhi ng maraming tinamong saksak sa katawan.

Lumalabas pa sa pag­sisiyasat ng pulisya na nawawala ang mga hindi pa mabatid na halaga ng mga alahas ng pamilya Ordonio at mga cellphone na pag-aari ng mga bik­tima. Sinasabing isang OFW ang mister ni Marife.

Show comments