King at Queen ng shabu, arestado

Naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang tinaguriang “Reyna at Hari” ng shabu matapos ang isina­gawang entrapment operation kama­kalawa ng gabi sa Sampaloc, Maynila.

Kinilala ang mga suspek na sina Susan Delliera, 43; at Roberto Timbang, 47, kapwa residente ng #620 Felina St., Sam­paloc ng nasabing lungsod at kasaluku­yang nakapiit sa District Anti-Illegal Drugs Special Operations Group (DAID-SOG).

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa kanto ng Fajardo at Felina Sts., Sampaloc.

Unang nakatanggap ng tawag ang MPD sa mga residente tungkol sa talamak na bentahan ng droga sa nasabing lugar na umano’y pinamumunuan ng mga suspek.

Ang mga residente rin sa nasabing lugar ang nagbigay ng bansag sa dalawa na “Hari at Reyna” ng droga dahil sa lan­taran umanong pagbebenta ng illegal na drugs ng mga ito.

Dahil dito, kaya’t kaagad nagsagawa ng isang entrapment operations ang MPD-DAID sa pamumuno ni SPO4 Rafael Melencio at habang nasa aktong bumibili ng tatlong sachet ng shabu ang kanilang posseur-buyer ay inaresto ang mga suspek. (Gemma Amargo-Garcia)

Show comments