CAMANAVA police umalerto sa mga nagsasamantala sa bigas
Nakaalerto at tinututukan ngayon ng pamunuan ng Northern Police District (NPD) ang bawat palengke sa Caloocan-Malabon-Navotas-Valenzuela (CAMANAVA) area hinggil sa mga mapagsamantalang negosyante kaugnay sa mga reklamo ng re-bagging at over pricing sa mga bigas ng National Food Authority (NFA), kung saan isang tindahan ang kanilang ni-raid.
Ito ay matapos na makatanggap ng impormasyon si NPD District Director C/Supt. Pedro U. Tango, na karamihan sa mga tindahan ng bigas ang naghahalo sa kanilang mga paninda at ibinebenta pa sa mataas na halaga.
Dahilan nito, dakong alas-11 ng umaga ay sinalakay ng mga tauhan ng Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) ng Caloocan-PNP ang Chris Rice Dealer, na matatagpuan sa J&B Bldg., Bonifacio Market, Brgy. 81 ng nasabing lungsod.
Ang pagsalakay ay isinagawa ng Caloocan Police matapos na makatanggap ng reklamo buhat sa ilang residente ukol sa nagaganap na re-bagging ng NFA rice dito.
Napag-alaman na ang nasabing tindahan ay pag-aari nina Christian Barrera at Carolyn Barrera na NFA Rice Dealer (Bigasang Bayan ni Gloria) kung saan lumalabas sa dokumento na ligal ang kanilang establisimyento at ang kanilang Notice of Award ay pirmado ni Atty. Jose Cordero, Regional Director, NCR-NFA; NFA Official Receipts ng pinirmahan ni Ma. Theresa G. Gutierrez; NFA driver’s trip ticket at NFA retailing policies.
Mahigpit namang pinabulaanan ng pamilya Barrera ang akusasyon sa kanila kasabay ng pagsasabing hindi sila lumalabag sa itinakdang kautusan ng NFA at ibinibenta nila sa halagang P18.25 bawat kilo ang NFA rice at dalawang kilo lamang ang puwedeng mabili ng isang consumer at hindi rin sila naghahalo nito para sa commercial rice. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending