Bumalik na sa normal na operasyon ang Manila Domestic Airport matapos na maantala ang may 30 flights nito kamakalawa dahil sa matinding blackout nang sumabog at bumigay ang circuit breaker na nagsu-supply ng kuryente sa buong paliparan.
Nabatid sa Manila International Airport Authority na dakong alas-2:45 ng hapon kamakalawa rin ay balik sa normal na operasyon ang domestic airport nang makumpuni ang bumigay na 2,500 watts circuit breaker matapos ang mahabang oras na pagtutulungan ng mga technician ng paliparan.
Nilinaw naman ng MIAA na bagaman nabalam ang mga flight paalis at pabalik ay walang kanselasyon sa mga flight taliwas sa mga unang ulat.
Magugunita na dahil sa matinding power failure ay naantala ang 24 outbound at 17 inbound flights ng Cebu Pacific kaya naging manu-mano ang ginawang operasyon sa departure at arrival area para sa mga nag-aalisan at nagdadatingang pasahero mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa. (Ellen Fernando)