Trader na Tsinoy, kritikal sa holdap
Kritikal ang isang negosyanteng Tsinoy at ang isang empleyado makaraang ratratin ang una ng mga armadong holdaper sa bigong P.5 milyong holdap, kahapon ng umaga sa Makati City.
Ang negosyanteng si Stewart Co, 27, ay kasalukuyang inoobserbahan sa Makati Medical Center matapos tamaan ng bala ng kalibre .9mm sa likod, habang ginagamot din makaraang tamaan ng ligaw na bala si Allan Puncia nasa lugar na pinangyarihan ng insidente sa panulukan ng Finlandia at Batangas St., ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 ng umaga ay nag-withdraw ng P.5 milyon sa isang sangay ng Bank of Philippine Island (BPI) sa panulukan ng Dian at Gil Puyat Avenue ang biktimang si Co at pagsakay sa kanyang berdeng Honda Accord ay sinundan ito ng apat na armadong lalaki na magka-angkas lulan ng dalawang motorsiklo.
Hinarang umano ng mga suspect si Co pagdating sa Finlandia St., subalit umiwas ito at pinatakbo pa rin ang kanyang sasakyan at dito agad siyang pinaulanan ng bala ng mga holdaper hanggang sa bumangga ang sasakyan ng una sa isang nakaparadang Ford Everest sa kanto ng Batangas St., Makati City.
Dito ay bumaba sa kanyang sasakyan si Co at nagtatakbong pumasok sa loob ng Denjo Car Wash na pag-aari ni Jovelyn Parungao bitbit ang pera na nakalagay sa kanyang body bag habang patuloy siyang pinagbababaril ng mga suspect hanggang siya ay mahagip ng bala sa likurang bahagi ng kanyang katawan.
Nagkataong nagpapalinis naman ng kanyang sasakyan sa naturang car wash station si Puncia na noon ay nahagip din ng ligaw na bala sa katawan.
Agad namang tumakas ang mga suspect nang makatawag pansin na ang insidente sa maraming tao sa naturang lugar kung saan nabigo ang mga ito na makuha ang salapi ng biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending