Dahil na rin sa lumalalang problema sa basura sa Metro Manila, hiniling ni Manila 2nd District Councilor Numero Lim na magkaroon ng garbage summit na magiging gabay ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan.
Sa panukala ni Lim, hinihiling nito na pangunahan ni Manila Mayor Alfredo Lim ang garbage summit na dadaluhan ng mga Metro Manila Mayors upang mapag-usapan ang mga problema sa basura na nakakaharap ng mga city officials.
Layunin ng summit na maibsan ang problema sa basura na makaaapekto ng lubos sa kalusugan ng publiko at maging sa kalikasan bunga na rin ng maruruming katas nito.
Tatalakayin din sa summit ang mga batas na dapat na ipatupad upang maiwasan ang pagkakaroon ng tambak na basura at kung paano ituturo sa publiko ang tamang paghihiwa-hiwalay ng mga basurang nabubulok at hindi nabubulok.
Dito na rin imumungkahi ang paggamit ng mga makabagong teknolohiya para maayos na maitapon kaugnay sa paggamit ng sanitary landfill.
Ipinaliwanag ni Lim na hindi na maaaring ipagwalang bahala ang nasabing problema dahil ito ang pangunahing pinagmumulan para kumalat ang sakit sa bawat barangay at komunidad.
Naniniwala si Lim na malaki ang maibabahagi ng mga city officials sa kani-kanilang mga nasasakupan sa sandaling simulan ang garbage summit na magtuturo ng tamang pagtatapon ng basura.
Matatandaan na kamakailan ay pinag-iingat ng Department of Health (DOH) ang publiko bunsod na rin ng mga tambak ng basura na maaaring panggalingan ng iba’t ibang sakit kabilang na ang diarrhea at hika. (Doris M. Franche)