Smuggling ugat ng ‘food shortages’ - AGAP

Ibinunyag kahapon ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Representative Nicanor Briones na ang malaganap na smuggling ng produktong pang-agri­kultura ay siyang ugat  ng nararanasan ngayong ‘food shortages’ sa bansa.

Ayon kay Briones, umaabot sa P100-bilyong kada taon ang nawawala sa kaban ng bansa dahil na rin sa hindi matigil na ‘technical smuggling’ ng ibat-ibang uri ng produkto.

Aniya, sa ngayon ay pa­tuloy ang pagtaas ng pres­yo ng bigas at karne ng baboy sa merkado dahil na rin sa kawalang malasakit ng ilang opisyal ng gobyer­no na sugpuin ang naga­ganap na ‘technical smuggling’ ng produktong pang-agrikultura.

Sinabi pa ni Rep. Brio­nes na lalo pang iigting at lalala ang nararanasang ‘food shortages’ sa bansa kung wala pa ring aksiyon na gagawin ngayon ang gobyerno hinggil sa suli­raning ito.

Mapanganib din aniya sa kalusugan ng mga ma­mamayan ang mga smug­gled na produkto na posi­bleng may dalang sakit tulad ng bird flu, Swine Influenza, Foot and Mouth Disease, Mad Cow Disease at iba pang karan­daman. 

Umapila si Rep. Brio­nes sa Pangulong Arroyo na gawing ‘urgent at priority bill’ ang panukalang batas na kanyang inihain na House Bill 3110 o ‘Tariff and Customs Enforcement Act of 2007’ at House Bill No.15 ni Rep. Lorenzo Tanada na ‘Anti-Smuggling Bill of 2007’ na ngayon ay nakabinbin sa Committe on Ways and Means.

Ani Briones, dapat big­yan ng malaking budget allocation ang Department of Agriculture (DA) para matulungan sa ibat-ibang uri ng pangangailangan pang-agraryo ang may kabuuang 13.8 milyong magsasaka sa bansa.

Sa ngayon, ani Briones ay mas malaki pa ang budget ng DILG at Defense kaysa budget ng DA na P24-bilyon lamang. (Butch Quejada)

Show comments