Inilagay ng mga security officials ng Manila International Airport Authority sa heightened alert ang Ninoy Aquino International Airport at iba pang paliparan sa buong bansa dahil sa paggunita sa Semana Santa at sa pagkakasabat ng mga sundalo ng Philippine Army sa isang van na may bomba habang patungo sa Awang Airport na hinihinalang kagagawan ng mga terorista sa Cotabato City.
Base sa ipinalabas na memorandum ni MIAA Asst. General Manager for security and emergency services ret. General Angel Atutubo, simula nitong Marso 15, ang heightened alert sa lahat ng airports sa bansa at lalong pinatututukan ang NAIA terminal 1, Centennial Terminal 2 na pangunahing paliparan sa bansa.
Sa ilalim ng memorandum, inatasan ni Atutubo ang lahat ng security personnel mula sa airport police department at aviation security group na magsagawa ng rigid inspection at checkpoints sa mga sasakyan na patungo sa mga international at domestic airport terminals. Bukod pa sa pagsasagawa ng police visibility sa parking area at mga warehouse sa airport compound.
Ayon kay Atutubo, ang kanyang kautusan ay kasunod sa pagkakaaresto ng dalawang katao ng PA Alpha Company sa isang military checkpoint sa bisinidad ng Brgy. Makir, Datu Odin Sensuat Kabinsuan Province malapit sa nasabing paliparan nitong Martes.
Sinabi ni Atutubo na ang pulang van na may plakang MVP-307 ay naharang habang sakay ng dalawang suspek at nang suriin ang kanilang sakay ay nadiskubre ng mga sundalo ang explosive devices na nakalagay sa isang carton box, volt battery, cellphone, fuse assembly na may booster at dalawang kilo ng mga sangkap ng malakas na bomba kabilang ang isang kilo ng 3 inches na pako at iba pang mga gamit sa kusina na nakalagay sa plastic bag.