Misis inutas ni mister
Dahil sa paninita at pagbubunganga, isang misis ang binaril sa leeg at napatay ng kanyang lasing na mister sa harap mismo ng kanilang anak, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Patay na nang idating sa sa Far Eastern University (FEU) General Hospital ang biktimang si Maria Fe Casuncad, 44, ng #2497 Admin Site, Tala ng nabanggit na lungsod.
Hinahanting naman ng pulisya ang suspek na si Arnold Casuncad, 43, nakatira sa nabanggit na lugar.
Sa pagsisiyasat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas-7:30 ng gabi sa loob ng bahay ng mag-asawa sa nabanggit na lugar mismo sa harapan ng kanilang anak na si Christopher, 14.
Umuwing lasing ang suspek, dahilan upang sitahin at bungangaan ito ng biktima na ikinairita ng lalaki.
Nagkaroon ng mainitang komprontasyon ang mag-asawa, hanggang sa kinuha ng suspek ang hindi pa mabatid na kalibre ng baril at pinaputukan nito sa leeg ang kanyang misis.
Sa insidenteng nasaksihan ng kanilang anak, natulala ito at mistulang nawala sa sarili.
Ang duguang biktima ay mabilis na isinugod ng kanyang mga kaanak sa nabanggit na pagamutan ngunit idineklara itong dead-on-arrival, habang mabilis namang tumakas ang suspect.
- Latest
- Trending