Anak ipinahuli ni Mayor Lim
Ipinaaresto ni Manila Mayor Lim sa mga elemento ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mismong kanyang anak at dalawa pa nitong kasama matapos ang isinagawang buy-bust operation sa Maynila kamakalawa ng hapon.
Sa isinumiteng ulat kay Sr. Usec. Dionisio R. Santiago, PDEA Director General, kinilala ang mga inaresto na sina Manuel Lim, 44, anak ni Mayor Lim at mga kasamahang sina Joel Sabado, 33; at Ronald D. Pascual, 38.
Nasamsam sa tatlong suspek ang may 100 gramo ng shabu na may market value na P600,000, sa DDB kasunod ng pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga ito.
Nauna rito, isinagawa ang operasyon pasado ala-1:45 ng hapon kamakalawa sa isang dental clinic na matatagpuan sa #955 Espeleta St., Brgy. 298 Zone 29 Dist. III, Sta. Cruz Manila matapos makipag-ugnayan mismo si Mayor Lim sa PDEA hinggil sa iligal na aktibidad ng kanyang anak at grupo nito.
Sinabi ni Mayor Lim na hindi niya umano kukunsintihin at kanyang ipinaaresto kahit pa anak niya mismo ang masangkot sa anumang ilegal na aktibidad.
Dahil dito, sinabi ni Santiago na magsilbi aniyang ehemplo ang naging pagpapasya ni Mayor Lim na wasakin ang sindikato ng droga sa kanyang nasasakupan kahit pa kaanak ang nasasangkot dito. (Angie dela Cruz, Joy Cantos at Doris Franche)
- Latest
- Trending