Makaraan ang pitong taong pagtatago, isang itinuturing na most wanted criminal ang nahulog sa kamay ng mga awtoridad nang masakote ito kamakalawa sa Caloocan City.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Silvestre Bello, ng Caloocan City Regional Trial Court, Branch 128, kinilala ang akusadong si Cresencio Neri Jr. , alyas Junior Topak at Junior Tuyo, 51, nakatira sa #453 B. Santos St., Isla San Juan, Maypajo, ng nabanggit na lungsod. Kung saan base sa record, pinatay ni Neri Jr. si Alexander Nicolas, noong Setyembre 12, 2001.
Sa report ng pulisya, dakong alas-2 ng hapon nang madakip ang akusado sa pinagtataguang lugar nito sa Hermosa St., Tondo. Manila matapos makatanggap ng impormasyon ang mga pulis na sa nabanggit na lugar nagtatago si Neri Jr. matapos nitong paslangin si Nicolas.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang puisya hanggang sa nadakip ang suspect. Nabatid pa na maraming nakabinbing kaso sa pulisya at sa ilang hukuman ang nadakip na si Neri. (Lordeth Bonilla)