Pinasok ng limang hindi nakikilalang kalalakihan ang isang banko sa Binondo, Maynila kung saan pinosasan at tinalian ang naka-duty na sekyu rito, kamakalawa ng gabi.
Batay sa report, dakong alas-8 ng gabi nang naganap ang pagpasok ng limang ’di nakikilang suspek sa loob ng East West Bank sa 1310 Soler St., Binondo, Manila.
Bago naganap ang insidente ay inutusan umano ni Joselito Tolentino ang kapwa nito guwardiya na si Sean John Catalan na itapon ang basura sa labas subalit lingid sa kaalaman ng huli, sa pagpasok nito sa banko matapos magtapon ng basura ay sinundan siya ng dalawang suspek na nagpakilalang empleyado ng Armored Tech at puwersahang pumasok ng banko bago sumunod pa ang tatlong suspek.
Sa loob ng banko, pinososan at tinalian umano sila ng mga suspek at saka tinangkang buksan ang vault subalit hindi nila ito nagawa dahil naka-time lock. Nasa 2nd floor naman si Job Lizada, Bank Supevisor na nakapansin sa komosyon sa loob ng banko kaya tinawagan nito si Richard Uy, Assistant Manager.
Dumating umano si Uy at siya namang pag-alarma ng banko dahilan upang tumakas ang mga suspek gamit ang isang asul na Toyota FX (RCC 287) na siyang ginamit na get-away car.
Tangay ng mga suspek ang service firearms ng dalawang guwardiya at ang mga cellphone nito. (Grace dela Cruz)