Anak  binaril ng sariling ama, todas

Binaril sa ulo at pinatay ng isang ama ang kanyang anak na binata nang hindi siya binigyan nito ng pera kama­kalawa ng gabi sa lungsod ng Caloocan.

Nasawi noon din ang biktimang si Herminigildo Penoliar Jr., 35, isang taxi-driver, na nagtamo  ng tama ng  bala sa ulo buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Hermi­nigildo Sr., 60, na nahaharap sa kasong parricide.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Caloocan City Police, naganap ang insidente dakong alas 8:15 ng gabi sa loob ng bahay ng mag-amang Penoliar sa  San Vicente Ferrer Street, Barangay 178 ng nabanggit na lungsod.

Nabatid na humihingi ng pera ang matandang Penoliar sa biktima subalit hindi siya  binigyan nito kaya sumama ang kanyang  loob.

Sinumbatan ng matanda ang anak at nairita ang biktima hanggang sa nagtalo ang mag-ama.

Habang nasa kainitan ng argumento ang dalawa ay dali-daling kinuha ng suspek ang kanyang nakatagong baril at walang sabi-sabing pinutukan ng isang beses sa ulo ang batang Penoliar.

Walang buhay na humandusay ang biktima sa sahig ng kanilang bahay habang ang matandang Penoliar ay mabilis na tumakas at iniwang naliligo sa sariling  dugo ang kanyang anak. (Lordeth Bonilla)

Show comments