Opisyal ng Coast Guard sabit sa coal spill scam
Nasa hot water ngayon ang isang opisyal ng Philippine Coast Guard matapos na ito ay masangkot sa umano’y maanomalyang kontrata na nagkakahalaga ng P6.5 milyon para sa paglilinis ng karagatan na nakontamina ng coal spill sa Pangasinan.
Ayon sa isang mapagkakatiwalaang source mula sa PCG, si Poro Point San Fernando La Union District Commander Capt. Joel Garcia ay posibleng matanggal mula sa kanyang tungkulin kung mapapatunayan na ito ay sangkot sa maanomalyang kontrata sa isang pribadong kompanya na naglilinis ng karagatan bunsod ng nasabing coal spill.
Sinabi ng source na nakipagsabuwatan umano si Garcia sa isang umano’y kompanya para alisin ang mga uling na tumapon sa dagat na sakop ng Bolinao, Pangasinan matapos na tumaob ang barge Apol 3003 noong kasagsagan ng bagyong Lando at Mina noong November 2007.
Nabatid na si Garcia umano ang nagrekomenda sa JM Saupan para siyang maglinis sa nasabing dagat sa halagang P6.5 milyon matapos na ito ay matapunan ng walong libong toneladang uling ng tumaob ang nasabing barge.
Nang imbestigahan ng PCG, nadiskubre nito na isang Commander Lyndon Cendreda ang siyang tumanggap ng ka bayaran para sa nabanggit na kompanya dahil sa ito umano ang utos ni Garcia na siya naman umanong labag sa batas.
Hindi rin umano dumaan sa tamang proseso ng pagbibidding ang naturang paglilinis ng dagat makaraang hindi nakaabot sa kaaalaman ng munisipalidad ng Bolinao ang nabanggit na bidding.
Bunsod nito’y pansamantala umanong ipinalit kay Garcia si Capt. George Ursabia bilang District Commander ng PCG sa Poro Point San Fernando , La Union.
Sa ngayon ay masusi naman na pinag-aaralan ng PCG ang pagsasampa ng kasong katiwalian laban kay Garcia at sa ilang pribadong indibiduwal na posibleng naging kasabwat nito para umano makuha ang P6.5-M contract sa paglilinis ng coal spill. (G. Amargo)
- Latest
- Trending