Nagtungo kahapon sa Department of Justice ang aktres na si Ai-ai delas Alas at anak nito na nauna nang inakusahan ng pagnanakaw sa isang convenience store sa Sampaloc, Maynila.
Ito ay upang panumpaan at humarap sa preliminary investigation kay Senior State Prosecutor Roxanne Balawag para sa inihain nilang reply affidavit laban sa mga suspek na sina Melvin Buceta at Florentino Ermitanio.
Ang mga suspek ay kinasuhan ng komedyante ng mga kasong serious illegal detention, paglabag sa Child Abuse Law at Grave Threats.
Sa salaysay ng mag-ina, walang merito ang reklamong perjury na isinampa laban sa kanila nina Buceta at Ermitanio kundi pawang alegasyon lamang umano ito.
Bukod dito wala ring katotohanan na ang kanyang anak ang nag-umit ng dalawang piraso ng Mentos candy.
Matatandaan na nauna nang pinagbintangan ang anak ng aktres na nagnakaw at ilegal na idinetine sa loob ng nasabing convenience store at pagkatapos ay sinaktan at tinakot sa kabila nang pagiging menor-de-edad ng bata.
Itinakda ang muling preliminary investigation ng kaso sa Marso 27 dakong alas-2 ng hapon. (Gemma Amargo-Garcia)