Sa halip na pag-aaral, pandurukot ang natutuhan ng dalawang paslit na naaresto ng mga opisyal ng barangay matapos na mandukot sa 28-anyos na babae sa Binondo, Maynila kahapon ng umaga.
Hawak ngayon ng Manila Youth Rehabilitation Center (MYRC) ang mga paslit na sina Vina, 7; at Totoy, 12; (hindi mga tunay na pangalan) matapos na ireklamo ni Shirley Maceda, ng Quezon City na siyang nandukot sa kanya.
Sa report ng pulisya, dakong alas-8 ng umaga nang maaresto ang mga bata sa harapan ng 168 Mall sa kanto ng Soler at Roman Sts., Binondo.
Palabas ang biktima ng nasabing mall nang kunwaring binebentahan sila ng mga plastic bag subalit lingid sa kaalaman nito ay nadukot ang kanyang pitaka na naglalaman ng P575.
Nakita naman ng isang barangay tanod na nagpapatrulya sa harapan ng mall ang aktuwal na pandurukot ng mga bata kung kaya agad niyang dinakip ang mga ito.
Kinumpirma naman ng biktima ang pitakang hawak ng mga bata, gayunman ay tumangging magreklamo si Maceda laban sa mga ito dahil na rin sa awa sa mga bata.
Inamin ng mga bata na isang alias “Orak”, miembro ng “True Brown Style” ang nagturo sa kanilang mandukot at umano’y pinapagalitan sila kung wala silang maiintrega. Pinaghahanap naman ng pulisya si “Orak”. (Grace dela Cruz)