Hapones, misis timbog sa human trafficking
Sinampahan sa Manila Prosecutor’s Office ng kasong human trafficking o paglabag sa Republic Act. 7610 ang isang Hapones at Pinay na misis nito matapos na ireklamo ng ina ng kanyang ni-recruit na menor-de-edad sa Malate, Maynila.
Kinilala ang suspect na sina Masaushi Suzuki, 45, tubong Tokyo, Japan at misis nitong si Reby delos Reyes-Suzuki, 37, kapwa nagmamay-ari ng Angel Heart II KTV Bar sa Mabini, Manila. Ayon sa ulat, dakong alas-10 ng gabi noong Lunes nang kanilang makuha sa nasabing KTV bar ang biktima na itinago sa pangalang Norma.
Nabatid na unang nagkaroon ng alitan ang biktima at ina nito kung kaya’t nagpasya ang huli na maglayas hanggang sa mapasok sa nasabing KTV bar.
Nalaman ng ina ng biktima ang pagtatrabaho ng kanyang anak sa KTV bar kung kaya’t dumulog ito sa mga awtoridad. Sa pagnanais na makuha ang anak ay humingi ng tulong ang ina ng biktina sa isang television station na humingi naman ng tulong mula sa CIDG sa Camp Crame. Dakong alas-10 ng gabi nang salakayin ng mga awtoridad ang KTV Bar hanggang sa makuha ang biktimang menor-de-edad na kasalukuyan pang may kostumer.
Bukod sa paglabag sa RA 7610 sasampahan din ng paglabag sa PD.1866 o Illegal Possession of Firearms and Ammunitions. Nabatid na gumagamit din umano si Suzuki ng uniporme ng pulis. (Doris Franche)
- Latest
- Trending