Dalawang kilabot na miyembro ng tinaguriang “Marawi Drug Connection” na nag-ooperate sa Metro Manila ang bumagsak sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang buy-bust operation kamakalawa ng hapon sa Quezon City.
Nakilala ang mga nadakip na sina Alden Abaton, alyas Kharim at Edra Ali, kapwa naninirahan sa Fairmont Subdivision, North Fairview, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng PDEA-Complaint and Reaction Unit, isang operasyon ang kanilang isinagawa laban sa mga suspek na matagal na nilang isinasailalim sa surveillance operation dahil sa iligal na pagbebenta ng droga.
Hindi na nakapalag ang dalawa nang palibutan ng mga operatiba matapos ang bentahan. Nakumpiska sa kanilang posesyon ang tinatayang nasa 25 gramo ng hinihinalang shabu.
Ayon kay PDEA Undersecretary Dionisio Santiago, miyembro ng isang sindikato na nakabase sa Marawi City sa Mindanao ang mga suspek. Ito ang nagpapakalat ng iligal na droga sa Kamaynilaan na ginagawa sa mga tagong laboratoryo sa Mindanao. Matatandaan na isinasailalim ngayon sa masusing pagbabantay ng PDEA ang rehiyon ng Mindanao matapos ang ulat na dito na nakatutok ang operasyon ng mga internasyunal na sindikato ng droga sa pagluluto nito dahil sa pagiging liblib ng kanilang mga laboratoryo.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek at isinasailalim ngayon sa mas masusi pang interogasyon. (Danilo Garcia)