Inaasahan ngayon ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang walang malalaking insidente ng sunog ang magaganap sa bansa ngayong nakararanas ng malamig na panahon sa pagpasok ng Fire Prevention Month ngayong Marso.
Sinabi ni BFP-National Capital Region chief, Sr. Supt. Ruben Bearis na wala pang nagaganap na malaking sunog partikular na sa Kamaynilaan magmula nang matupok ang Baclaran shopping mall nitong Enero 3.
Pinasalamatan ni Bearis ang pagbaba ng insidente ng sunog sa malamig na panahon ngayon dahil sa naiiwasan ang pagsabog ng mga kuntador ng kuryente at mga sala-salabid na koneksyon.
Umaasa sila na magpapatuloy ang naturang “trend” ngayong Marso na base sa kanilang rekord, ang pinakamaraming naitatalang insidente ng sunog sa buong taon. Nanalangin rin ito na magpapatuloy ang malamig na panahon hanggang Mayo.
Ilulunsad naman ng BFP ang programa nilang “Iwas Sunog” sa Baseco Compound sa Tondo, Maynila ngayong araw matapos na mabatid na apat na beses na itong halos mabura dahil sa napakaraming sunog na naitala sa naturang lugar. (Danilo Garcia)