2 biktima ng ‘matrona killer’ di pa rin kilala
Ipinakita na sa media ang mga damit ng dalawang babaeng biktima ng pagpatay at pagsunog sa loob ng motel ng umano’y gumagalang “matrona killer” para matukoy ng kani-kanilang mga kaanak.
Ayon kay Manila Police District-Homicide division Chief, Dominador Arevalo, mahalaga umanong maisapubliko ang deskripsyon ng mga damit ng mga biktima para makilala ito ng kanilang mga kamag-anak. Dahil hanggang sa ngayon ay wala pang kumukuha sa mga labi ng dalawang biktima.
Kabilang sa mga narekober ay isang pink na shorts, dilaw na t-shirt na may nakasulat na pangalan na “Norma” sa laylayan, kulay pula na purontong short at isang pares na kulay beige na sapatos na pag-aari ng ginang na natagpuan dakong alas-2 ng madaling-araw noong Sabado sa Room 320 ng Sweet Hotel sa kanto ng Rizal at Recto Ave., sa Sta. Cruz, Maynila.
Habang isang maong pants na may kulay pink na belt, isang pink na t-shirt, dilaw na blouse, isang itim na shoulder bag at rubber shoes naman ang narekober sa biktimang natagpuan dakong alas- 4:45 ng hapon noong Lunes sa Room 207 ng Happy Inn Hotel sa 447 Palma St., Quiapo.
Ang kagamitan ng mga biktima ay kinuha sa Popular Funeral Homes. Gayunman, isang malaking palaisipan kay Arevalo kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring lumulutang na kaanak ng biktima kung kaya hindi rin umuusad ang kanilang imbestigasyon.
Naniniwala rin ang MPD na isang gumagalang serial killer ang suspek sa dalawang insidente ng panununog sa dalawang ginang dahil sa iisa ang ginamit na “pattern” ng pagpatay nito sa dalawang biktima. (Grace dela Cruz)
- Latest
- Trending