QC courts, Comelec binulabog ng bomb threat
Nabalam ang trabaho sa QC Hall of Justice at Commission on Elections sa Maynila nang parehong bulabugin ng sunud-sunod na bomb threat kahapon ng umaga.
Halos isang oras na natigil ang operasyon sa QC courts partikular ang ikatlong palapag ng gusali kahapon ng umaga dahil sa bomb threat.
Nabatid na bago mag-alas-9 ng umaga, nakatanggap ng tawag sa telepono buhat sa isang babae ang isang tauhan ni Judge Cenon Maceren ng branch 39 ng MTC na nagsabing may sasabog na bomba sa naturang sala.
Bunsod nito, nabulabog ang mga tao at isa-isang nagsibabaan sa ground floor ng gusali mula sa kani-kanilang tanggapan. Nahinto rin ang mga isinasagawang pagdinig sa mga kaso.
Agad namang nagresponde ang mga tauhan ng Bomb Disposal Unit sa lugar at ginalugad ang paligid kasama ang mga K-9 dogs at dakong alas-9: 30 ng umaga nang ideklarang negatibo sa anumang nakatanim na bomba ang lugar.
Matapos pa ang halos kalahating oras ay muling bumalik sa normal ang operasyon.
Naantala rin ang trabaho sa COMELEC matapos na dalawang ulit na makatanggap ng bomb threat ang nasabing ahensiya kahapon.
Ayon kay Comelec Spokesman James Arthur Jimenez, dalawang ulit na tumawag sa tanggapan ng Education and Information Division (EID) ang isang hindi nagpakilalang lalaki.
Ang unang tawag ay natanggap umano ng personnel nila na si Teresa Canillas bago mag-alas-11 ng umaga kahapon. Dito ay pinagmumura umano nito ang mga empleyado ng Comelec kasabay ng pahayag na may bomba umano sa gusali ng Palacio del Gobernador na matatagpuan sa Intramuros, Maynila.
Makalipas ang ilang sandali ay muli umanong tumawag ang lalaki at sinabing eksakto alas-11 ng umaga ay sasabog ang bomba.
Dahil dito, kaagad na pinababa ng kanilang mga tanggapan ang mga empleyado ng Comelec na nag-oopisina sa Palacio del Gobernador at sinecure ang lugar sanhi upang maantala ang trabaho ng mga ito.
Kaagad din namang nakabalik sa trabaho ang mga empleyado matapos na makumpirmang negatibo sa bomba ang gusali. (Angie dela Cruz at Doris Franche)
- Latest
- Trending