Seguridad sa ‘Interfaith rally’ ikinasa

Simula alas-6  nga­yong gabi nasa full alert  status na muli ang buong puwersa ng Philippine National Police (PNP) ka­ugnay ng isasagawang malawakang interfaith rally ng mga anti-govern­ment groups bukas, araw ng Biyernes sa Makati City. 

Sinabi ni National Ca­pital Region Police Office (NCRPO) Chief, Director Geary Barias at  kabu­uang 5,000 pulis ang ka­nilang ipakakalat partiku­lar na sa Makati City upang mangalaga sa seguridad sa isasaga­wang interfaith rally ng anti-government groups.

Bunsod ng mass actions ay imomobilisa mula ng NCRPO ang Task Force Manila Shield  upang mapanatili ang peace and order.

Samantala, hindi pa­payagan ng pulisya na lumagpas sa napagka­sunduang oras ang de­monstrasyon. Dakong alas-8 ng gabi ang dead­line sa isasagawang kilos-protesta.

Tiwala naman ang opis­yal na tatalima ang mga organizer sa natu­rang kasunduan tulad ng naganap sa mga naka­lipas na rali.

Nangako naman si Barias na didistansya ang NCRPO  sa naturang pag­­titipon at tulad ng na­pagkasunduan ay  ipau­ubaya nila sa mga orga­nizer sa pagbabantay sa kanilang hanay. Papasok lamang ang pulisya kung hihingin ang kanilang tulong.  

Tiniyak din ni Barias na plantsado na ang se­cu­rity measures na ipatu­tupad kaugnay sa isasa­gawang rali bukas.

Ayon pa kay  Barias, pati ang traffic route ay handa na rin umano para ma­iwasang mabalam ang mga motorista na labis na naaapektuhan kapag may mga kilos-protesta.

Show comments