Nakatutok ngayon ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang Chinese international drug ring kung saan anim na grupo nito ang nag-ooperate ngayon sa bansa matapos na malansag ang isa nilang itinayong shabu laboratory sa Zamboanga City.
Sinabi ni PDEA Regional Director P/Sr. Supt. Adzar Albani na pinaghahanap nila ngayon ang maintainer ng shabu laboratory na sinalakay nitong nakaraang Biyernes sa liblib na bahagi ng Brgy. Lamisahan, Zamboanga City na si Weng Li Yan, alyas Andy Wang na sinasabing miyembro ng Chinese international drug ring.
Nagpahayag naman umano ng pagsuko si Yan matapos na dumating sa Zamboanga City buhat sa Maynila upang linawin ang pangalan nito.
Kaya umanong lumikha ng daan-daang kilo ng shabu sa loob ng isang buwan ang naturang laboratoryo. Nakumpiska rin dito ang ilang mga rubber stamps buhat sa mga ahensya ng pamahalaan na nagbibigay ng permiso para sa importasyon at pagpapalabas ng mga kemikal sa bansa.
Matatandaan na una nang inihayag ng PDEA na tinututukan nila ngayon ang pamamayagpag ng mga sindikato ng droga sa Mindanao kung saan ibinibiyahe ang mga sangkap na kemikal sa pamamagitan ng smuggling sa karagatan sakay ng mga bangkang pangisda.
Ipinapakalat naman ang mga nalikhang shabu sa Metro Manila, ibang bahagi ng bansa at maging sa karatig na mga bansa sa Asya sa pamamagitan ng pagpapalusot dito sa loob ng mga lata ng sardinas o ipinapasok sa iba pang produkto. (Danilo Garcia)