‘Matrona killer’ gumagala

Isa na namang babae ang iniulat na sinunog sa loob ng isang motel sa May­nila ng pinaniniwala­ang “matrona killer” na sina­­sabing gumagala rito, kamakalawa.

Kasabay nito, nagba­bala  ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa  mga kaba­baihan, partikular na sa mga umano’y pick-up girls  na mag-ingat sa gu­ma­ga­lang killer na hindi lang pu­mapatay kundi sinusu­nog pa ang kata­wan ng kanyang biktima.

Ang pinakahuling bik­tima ay tinatayang nasa edad na 35-40-anyos, ka­tamtaman ang katawan at nakasuot ng maong pants. Nakilala lamang ang suspect sa panga­lang Marvin Cachola,    35-40-anyos, 5’6’’, ka­tam­ta­mang panga­nga­tawan, nakasuot ng puting t-shirt at gray na tsaleko ay pa­tuloy na pinaghahanap ng pulisya.

Batay sa imbestigas­yon ng MPD-Homicide division, ang insidente ay naganap dakong alas-5:45 ng hapon sa loob ng Room 207 Happy Inn Lodging  na matatagpuan sa 447 Palma st., Quiapo, Maynila kung saan dito umano nag-check in ang biktima at ang suspek dakong alas-10 ng gabi ng Pebrero 23.

Nagbayad umano ang suspek para sa kanilang 12-oras na pamamahi­nga dito at dakong alas-7 naman ng umaga ng Peb­rero 23 ay muling nag­­­tungo  ang suspek sa counter ng   hotel at nag­bayad muli para sa pani­bagong 12-oras nilang pananatili rito.

Dakong alas-5:59 ng hapon ng Pebrero 24 ay bigla na lamang uma­nong may nakitang usok ang isang parking attend­ant ng nasabing lodging Inn kung kaya’t mabilis itong ipinaalam sa ma­nage­ment.

Agad umanong tinu­ngo ng mga kawani ng Happy Inn Lodging ang Room 207 na pinagmu­mulan ng usok at dito ay tumambad sa kanila ang nasusunog na katawan ng biktima.

Mabilis naman uma­nong naapula ang apoy sa katawan ng biktima kung kaya’t napigilan ang pagkasunog ng buong kuwarto ng nasabing hotel.

Sinabi naman ni MPD-Homicide divi­sion chief, Supt. Domi­nador Arevalo na malaki ang po­sibilidad na iisa lamang ang sus­pek na pumatay sa bik­tima at sa lola na pinatay at si­nunog din mismo sa kama ng Sweet Hotel sa Recto Avenue, Sta. Cruz, May­nila. 

Kasabay nito nagpa­la­bas na rin ng carto­gra­phic sketch ang pu­lisya ng muk­ha ng sus­pect.

Show comments