Sa pangalawang pagkakataon, muling nalimutan ng 50-anyos na si Marcelo Severiano Jr., residente ng Barangay Holy Spirit, Quezon City, kung saan niya naiparada ang kanyang kotse.
At sa pangalawa ring pagkakataon, nagreklamo si Severiano sa anti-carnapping section ng Quezon City Police District hinggil sa inakala na naman niyang pagkakanakaw sa kanyang kotse.
Gayunman, sinabi ng hepe ng anti-carnapping section na si Inspector Angelo Nicolas na isang tapat na pagkakamali lang iyon sa bahagi ni Severiano. Kung nagsisinungaling lang ito para lang makakuha ng pera sa insurance, makakasuhan ang lalaki ng perjury. “Maaaring nakakalimutan lang niya kung saan niya naiparada ang kanyang sasakyan.”
Wala anyang pananagutan si Severiano sa walang katotohanang reklamo nito.
Sinabi ni Senior Police Officer 2 Norman Suva na pamilyar nga sa kanya ang mukha ni Severiano nang magtungo ito sa himpilan ng QCPD-ANCAR kamakalawa ng gabi.
Inireklamo ni Severiano na nanakaw ang kanyang pulang Honda CRV (WRH-604) habang nakaparada ito sa kanto ng D. Tuazon Street at Retiro Street sa Barangay Sto. Domingo sa pagitan ng alas-5:00 ng hapon at alas-8:00 ng gabi ng nakaraang Huwebes.
Sinabi pa ni Severiano na sandali lang niyang iniwan ang kanyang kotse para bumili ng pagkain sa isang fastfood.
“Sinabihan namin siyang bumalik at magdala ng mga ki nakailangang dokumento,” wika ni Suva sa isang panayam.
Pero sinabi ni Suva na kagyat silang nagpadala ng mga tauhan para tignan ang lugar na pinangyarihan ng krimen nang Sabado ring iyon.
“Nang makarating doon ang grupo namin, nakita naming nakaparada ang sasakyan sa harapan ng isang restawran malapit sa Banawe Avenue. Sinabi ng guwardya ng restawran na maagang umalis ang may-ari ng sasakyan,” sabi pa ni Suva.
Nang tingnan naman ni Suva ang kanilang files sa presinto, natuklasan niyang pamilyar talaga si Severiano dahil nauna na itong nagreklamo sa kanilang tanggapan noong Nobyembre ng nakaraang taon hinggil sa pagkakanakaw ng kotse nito.
Sa naturang insidente, hindi nakaparada nang maayos ang isang pulang Mitsubishi Adventure sa harap ng isang fastfood chain sa likod ng Quezon City Hall.
Ilan umanong testigo ang nagsabing tila umano lasing ang may-ari ng kotse na nagmamadaling bumaba mula sa sasakyan nang hindi inalintana kung maayos itong nakaparada.
Hinila naman ng QCPD-ANCAR ang kotse at dinala ito sa Camp Karingal.
Pero ang may-ari ng kotse, na si Severiano pala, ay lumi taw sa presinto para ireklamo ang pagkakanakaw sa kanyang Mitsubishi Adventure.
Nagulat na lang si Severiano nang makita niyang nasa Camp Karingal ang kanyang kotse.
Mula naman nang isumbong ni Severiano ang pagkawala ng kanyang CRV, hindi na siya nagpakita sa QCPD-ANCAR.
Hanggang kahapon ng umaga, hindi alam ni Severiano na ang inakala niyang nanakaw na kotse niya ay nakaparada lang sa isang lugar na gaya ng nangyari sa una.