Anak binubugaw ng ina, nagka-‘tulo’
Naaresto ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) ang isang 52-anyos na ginang sa aktong binubugaw ang kanyang sariling anak na nagkasakit ng ‘tulo’ kamakalawa sa Sta. Cruz Maynila.
Kasalukuyang nakapiit sa MPD-Integrated Jail ang suspek na si Mila Zialcita, vendor ng #111 Pobre St., Tugatog Malabon City dahil sa reklamo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ulat ni Insp Medina Olega, hepe ng MPD-Children and Women’s Desk (CWD), dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon nang arestuhin ang suspek sa harapan ng Blue Moon Lodge sa kanto ng Oroquieta at Quiricada Sts., Sta. Cruz, Manila.
Ayon sa salaysay ni Herminia Salonga, empleyado ng DSWD, noong Enero 2007 ay kabilang si Gina (hindi tunay na pangalan), 14, anak ng suspek, sa kanilang na-rescue sa isinagawa nilang operasyon sa mga batang nasadlak sa prostitusyon.
Matapos ma-rescue si Gina ay dinala ito sa Philippine General Hospital (PGH) para ipa-check-up subalit tumakas ito at bumalik sa poder ng kanyang ina.
Nabatid na sa medical check-up ay napatunayang nahawa sa sakit na Sexually Transmitted Disease (STD) si Gina sa kanyang mga kostumer na mismong ina nito ang nagbubugaw.
Natapos ang mahigit isang taon, kamakalawa ng hapon ay muling nakita ng DSWD ang suspek at anak nito sa harapan ng nasabing motel dahilan upang magsagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek at nakuha ng mga awtoridad si Gina.
Sinampahan ng kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 at Child Abuse Law laban sa suspek.
- Latest
- Trending