10,000 pulis kasado sa EDSA anniversary
Nakahanda na ang Philippine National Police (PNP) kaugnay ng ilulunsad na mass actions o kilos-protesta ng civil society groups at iba pang grupo kaugnay ng pagdiriwang ng ika- 22 taong anibersaryo ng EDSA People Power 1 sa darating na Pebrero 25.
Ang kilos-protesta ay upang igiit ang pagbaba sa puwesto ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo matapos naman ang exposé sa overpricing sa $329M ZTE NBN deal ni star witness Rodolfo Noel “Jun” Lozada.
Sinabi ni PNP Spokesman Sr. Supt. Nicanor Bartolome na patuloy nilang minomonitor ang sitwasyon at itataas ang alert level kung kinakailangan.
Bilang bahagi naman ng contingency measures ay 10,000 pulis ang kanilang ipakakalat sa mga lugar na pagdarausan ng kilos protesta upang mapanatili ang peace and order.
Samantalang maliban sa puwersa ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay naka-standby rin ang Civil Disturbance Management (CDM) contingents mula sa Regions 3 at Regions 4-A na magreresponde kung kinakailangan.
Kaugnay nito, itinanggi naman ng PNP Spokesman na ang deployment ng elite forces sa North at South Luzon Expressway at iba pang mga entry points sa Metro Manila ay pangharang sa mga raliyista na magpapartisipa sa mass actions.
Sinabi ni Bartolome na ang nasabing elite forces ay ipinakalat bilang bahagi ng anti-crimininality campaign ng PNP sa Metro Manila. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending