Lalaki binoga dahil sa sintunadong pagkanta

Dahil sa pangit na boses at pagiging sintunado, isang lalaki ang binaril  ng isa sa kostumer  na nairita  habang kumakanta ang una  sa isang videoke bar sa Navotas City na naganap sa Araw ng mga Puso kahapon ng madaling-araw.

Nasa kritkal na kondisyon at ginagamot sa Tondo Medical Center ang biktimang si Jose Abalahid, nakatira sa Block 37, Lot 16, Malibuto St., ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng tama ng bala sa dibdib.

Samantala, habang sinusulat ang balitang ito, inaalam pa ng mga pulis ang pangalan ng suspek at nagsasagawa pa sila ng follow-up operation laban dito.

Sa imbestigasyon ng Navotas City Police, naganap ang insi­dente sa Araw ng mga Puso, dakong alas-3:45 ng madaling-araw sa loob ng Golden Star Videoke Bar, na matatagpuan sa Agora Market, Dagat-Dagatan, Navotas City.

Nabatid na kumakanta ang biktima at dahil sa pangit at sintu­nado ang boses nito, kung kaya’t nairita ang suspek, na isa ring kostumer. Tumayo ito at sinaway ang biktima na tumigil sa pag­kanta dahil masakit aniya sa kanyang pandinig.

Subalit hindi tumigil ang biktima at ipinagpatuloy nito ang pagkanta, na lalong ikinairita ng suspect kaya’t naglabas ng baril at pinaputukan ang biktima. Mabilis na tumakas ang suspect. (Lordeth Bonilla)

Show comments