Kritikal ang isang 47-anyos na tricyle driver nang patraydor itong pagsasaksakin ng ice pick ng kapwa nito tsuper, habang ang una ay naghihintay ng pasahero, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Kasalukuyang inoobserbahan sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng tinamo nitong mga tama ng saksak sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Larry Bonifacio ng 22 Panday Pira St., Brgy. 146, Bagong Barrio ng nabanggit na lungsod.
Isang manhunt operation naman ang kasalukuyang isinasagawa ng mga elemento ng Caloocan-PNP laban sa suspect na si Jocel De Juan, alyas Boy Hulog, nasa hustong gulang, tricycle driver at residente ng 37 Binata St., Brgy. 144, Bagong Barrio, Caloocan City.
Batay sa ulat, dakong alas-9:45 ng gabi nang mangyari ang nasabing insidente habang ang biktima ay nag-aabang ng pasahero sa panulukan ng Tirona St., at Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), Caloocan City.
Nabatid na biglang sumulpot ang suspect sa likurang bahagi ng biktima at walang sabi-sabing pinag-uundayan ito ng saksak ng ice pick hanggang sa duguang humandusay sa lupa.
Sa pag-aakalang napatay ni De Juan si Bonifacio ay mabilis na tumakas ang suspect dala ang ginamit na armas, habang ang biktima ay agarang isinugod ng ilang kasamahan nitong tricycle driver sa nabanggit na ospital kung saan nasa maselan ngayon itong kalagayan.
Napag-alaman na ilang araw bago maganap ang insidente, ang biktima at suspect ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo na humantong sa pagsusuntukan dahil umano sa pag-aagawan ng mga ito ng pasahero kung saan ang suspect ay labis na na-dehado at posible umanong ginantihan nito ang una sa pamamagitan ng pana naksak kamakalawa. (Rose Tamayo Tesoro)