Dahilan sa posibilidad na pagmulan ng destabilisasyon ang testimonya sa Senado ng key witness sa $329 M ZTE National Broadband Network (NBN) deal na si Rodolfo Noel “Jun” Lozada Jr., isinailalim na kahapon sa red alert status ang buong puwersa ng AFP- National Capital Region Command (AFP-NCRCOM).
Sinabi ni AFP-Public Information Office Lt. Col. Bartolome Bacarro na nasa red alert ang tropa ng AFP-NCRCOM sa Metro Manila habang sa ibang bahagi ng bansa ay pinaiiral naman ang heightened alert status.
Nabatid na naalarma ang AFP dahilan sa posibleng samantalahin umano ng mga destabilizer ni Gloria Macapagal Arroyo ang testimonya ni Lozada para pag-alabin ang pag-aaklas sa taumbayan laban sa gobyerno.
Si Lozada, nagbitiw na Presidente ng Philippine Forest Corporation ay tumestigo kahapon sa Senado kung saan idinetalye nito ang garapalang kickbacks at korapsyon ng ilang mga opisyal ng pamahalaan sa kontrobersyal na transakyon sa telecommunications sa ZTE Corporation ng China.
Bunga rin ng insidente ay naghigpit ang military police na nagbabantay sa mga Gate ng AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo kung saan maging ang mga mediamen ay nahirapang makapasok sa kampo kahapon.
Samantala, sinabi ni Bacarro na kasalukuyan rin nilang bineberipika kung sangkot ang ilang mga sundalo kabilang ang mga elemento ng Presidential Security Group sa sinasabing pagtangay kay Lozada sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) terminal 1 matapos itong dumating noong Martes ng hapon galing Hong Kong. (Joy Cantos)