Winakasan ng isang lolo ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili matapos nitong mapatay ang kanyang asawa kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.
Nakilala ang nasawing mag-asawa na sina Manuel Calacal, 86, at Carmen Calacal, 64, kapwa residente ng Block 78 Lot 38 Ati-Atihan Street, Brgy. Greater Lagro, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-4 ng madaling-araw sa loob ng bahay ng mag-asawang Calacal.
Nadiskubre ang mga bangkay ng mag-asawa ng kanilang anak na si Maria Rosario Infante. Nakarinig na lamang umano siya ng sunud-sunod na putok ng baril at nang kanyang puntahan ang mga magulang ay kapwa naliligo na ang mga ito sa sariling dugo.
Natagpuan si Carmen na may tama ng apat na bala ng kalibre .38 na nakahiga sa ibabaw ng kama habang isang tama ng bala sa sentido naman ang tumapos sa buhay ni Manuel.
Nagsasagawa pa ngayon ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang mabatid ang motibo ng naturang pamamaslang ng lalaking Calacal.